Linggo, Abril 24, 2011

Ang Pantanging Pangalan ay AMA

Hindi ang haligi ng tahanan o si tatay, o ang pinuno man ng isang pang-relihiyong samahan ang aking tinutukoy. Ito ay hinggil sa Dios na pinagbuhatan ng lahat ng mga bagay.
Ang pangalang AMA ba ay Pambalana o Pantangi? Atin munang sumandaling pag-aralan ang pagkakaiba ng dalawang uri ng Pangngalan, isang bahagi ng pananalita. Ayon sa ilang aklat na isinulat ng ilang mga may-akda, ang Pangngalan ay ginagamit na panawag sa ngalan ng tao, bagay, pook, o pangyayari. Ang Pantangi ay para sa tanging ngalan at isinusulat ang unang letra sa malaking titik samantalang ang Pambalana ay panawag sa mga balanang tao, bagay, pook, at pangyayari.
Halimbawa ay ang mga ito:
Pangalan Pambalana Pantangi
tao propeta Elias
bagay aklat Biblia
pook ilog Jordan
pangyayari parusa (ng Dios) Delubio Universal

Kung ating dadalhin o idadako sa puntong panlangit, ang makapangyarihang Panginoon ng langit at ng lupa ay ating tinatawag na Dios. Bagamat Siya na ating kinikilala at sinasamba ay hindi maaaring ibilang sa tao at hindi rin puwedeng ituring na bagay at hindi rin puwedeng ilistang pook o maging pangyayari. Subalit upang mas lubos nating maintindihan at maging malinaw ay dinaan natin sa simpleng paraan ng pagbibigay ng halimbawa.
Ang mga turong isinasaad sa Biblia ay hindi natapos sa pangalang Dios. Sapagkat kung ating nasubaybayan ang maraming kasaysayan sa Biblia, ang mga unang lingkod ay nagsilbi at sumamba sa mga anghel na tinatawag nilang Dios gaya nina Abraham at Gedeon (Genesis 17:1,15-22; Hukom 6:22). Ang napakita kay Abraham at napakilalang Dios na makapangyarihan sa lahat ay isang lamang sapagkat ang Makapangyarihang Dios ng langit at ng lupa ang siyang nagsugo sa mga anghel sa lupa (I Cronica 21:15; Gawa 5:19; Apocalipsis 22:6) upang maingatan ang mga lingkod. Ang Panginoong Jesucristo na Kanyang sinugo rin ang nagpatotoo na walang taong nakakita ng anyo ni nakarinig man ng Kanyang tinig (Juan 5:37). Kaya't kung ang mga anghel ay tinawag na Dios, ibig lamang sabihin na ito ay Pambalana. May Pantanging Pangalan ang Dios. Ano kaya ito?
Ang sabi ng mga Saksi...si Jehova; ang turo ng iba...El Shaddai; ang mga Born Again...si Yahweh; ang kinikilala ng mga Muslim...si Allah; at may mga iba na ...Dios din. Sadyang napakaraming taglay na paniniwala ang mga Pilipino pagdating sa paglilingkod sa kinikilalang makapangyarihang Dios. Ngunit kung sa Banal na Kasulatan lamang tayo magbabatay sa pagtuklas ng karunungang ikauunawa at ikaliligtas (II Timoteo 3:15) ay hindi maaaring maligaw ang sinoman sapagkat ito'y Aklat ng Panginoon at kinasihan ng Espiritu (Isaias 34:16).
Kaya naman, ating isa-isahin ang mga paniniwala ng ilang mga sekta na hindi nababatay sa mga talata ng Biblia.
Una ay ang ipinakilalang Jehova na pangalan ng Dios na Kataas-taasan. Ang pasimula nito ay hango ito sa mga letrang natagpuang nakaukit sa mga bato sa isang kuweba sa Israel, ang YHWH. Dahil sa Griego, ang Y ay tunog J at ang bigkas sa W ay V at upang mabasa ay dinagdagan ng mga letrang patinig, E, O, A. Ito ay wala sa ibang salin ng Biblia. Si Martin Luther ang isa sa gumamit nito sa kanyang pagsasalin at sa King James Version ng 1611. At sa inilathala mismo ng mga Saksi ni Jehova, ang Bagong Sanlibutang Salin ng Biblia. Ngunit mapapansin natin na hindi ito binanggit o pangalang ipinakilala ng ating Panginoong Jesucristo.
Ang El Shaddai naman ay salitang Griegong nangangahulugang Makapangyarihang Dios. Tayo ay taga dulong Silangan na ayon sa hula ay 'sa lupaing silanganan at mga pulo ng dagat ay luluwalhatiin ang Panginoon.' (Isaias 24:14-15). Tinatayang mahigit sa 100 ang mga wika at dialekto sa ating bansa. Tagalog, Cebuano, Bicolano, Waray at iba pa ngunit hindi nabilang sa ating wika ang Griego. Ang mga taga-Gresya at ang iba pang mga kalapit nito ang nakakaunawa at nakakapagsalita ng Griego kaya sila ang dapat gumamit nito. Walang El Shaddai na mababasa sa Bibliang Filipino o Tagalog na Authorized version.
Ang mga tumatawag at gumagamit ng Yahweh ay literal na nilagyan nila ng mga patinig ang YHWH. Ang A ay inisyal ng Adonai na ibig sabihin ay Panginoon at ang E naman ay para sa inisyal ng Elohim na ang kahulugan ay Dios o Panginoong Dios. Ito ay mababasa sa ibang mga salin. Adonai ang nakasulat sa ibang salin.
Sa mga kaibigan nating mga mananampalataya ng Islam, si Allah na kanilang sinasamba at pinaglilingkuran ay sa Koran lamang matatagpuan. Ang katuruang ito ay hindi nagbuhat sa Panginoong Jesus at sa Kanyang mga Apostol. Ito ang iniwang katuruan ni Mohammad na kanilang propeta.
At mayroon namang sekta na ang pangangatwiran ay Dios ang Pantanging Pangalan.
Kaya dapat na maging maingat tayo sa pakikinig at pagsusuri ng mga aral ng mga relihiyon sapagkat buhay at kaluluwa ang nakasalalay dito.
Ang salitang Dios ay ang pantawag at pagkilala ng isang tao doon sa kanyang niluluhuran, kinatatakutan, sinasamba, at pinaglilingkuran. Ayon nga kay Billy Graham na isang Evangelist sa America, “God is the Supreme Creator”. Ang Dios ang Kataas-taasang Maylalang. Sapagkat Siya ang gumawa at may-ari ng lahat ng bagay dito sa lupa at doon sa langit (Gawa 17:24-26; Deuteronomio 10:14,17). Siya'y walang hanggan na hindi nababago (sa kapangyarihan at kaluwalhatian) Santiago 1:17.
Sadyang maraming Dios sa langit at dios sa lupa (I Corinto 8:5-6). Maging ang tao ay tinatawag na dios (Exodo 7:1). Ang mga taong dinatnan at tinanggap ang Salita ng Dios ay tinatawag ding mga dios (Juan 10:34-35). Ang salitang dios ay tumutukoy sa kalagayan o tawag sa lahi ng mga taga-langit (Daniel 2:11; Awit 115:16). Tulad rin ng salitang tao na tumutukoy sa ating uri o lahi. Kaya maliwanag na hindi Dios ang Pantanging Pangalan ng Makapangyarihan sa lahat sa langit at sa lupa.
Sa sulat ni propeta Isaias sa 63:16, ano ang katutubong pangalan Niya? AMA. Ito ang pangalang ipinakikilala mula pa ng walang pasimula. Ito ang mabuting Pangalan na dapat piliin kay sa malaking kayamanan (Kawikaan 22:1). Gaano kahalaga ang pangalang AMA? Lahat ng Kanyang nilikha ay tinatawag sa Kanyang pangalan (Isaias 43:7). Talagang ang bahay, titulo, at anomang ari-arian ay ipinapangalan sa kung sino ang may-ari. At buong pangalan ng may-ari ang itinatala o ipinarerehistro. Ang sambahayan Niya sa langit at maging sa lupa ay tinatawag rin sa Kanyang pangalan. Kaya nga ang bayan(iglesia) at mga lingkod ng Dios ay tinatawag sa pangalan ng AMA. Ito ang pangalang itinuro ng Panginoong Jesucristo na dapat dalanginan (Mateo 6:9). Ano ba ang kahulugan ng Ama? Pinagbuhatan ng lahat ng bagay. Iisa lang ang Ama sa langit. At ang AMA ay sa kaawaan (I Corinto 1:3). Siya ang pumipili, tumatawag at naglalapit ng tupa (tao) sa Kanyang ANAK upang makasama sa Kanyang sambahayan at matipon sa iisang kulungan. Kung paanong ang ating mga ama sa laman ay naaawa sa ating mga anak ay gayon din naman na ang AMA na nasa langit na naaawa at nagbibigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa Kanya (Mateo 7:9-11; Roma 9:15-16). Ngunit nakikilala ng AMA ang Kanyang mga lingkod (II Timoteo 2:19). Sapagkat gaya ng 144,000 na nakatiyak na ng kaligtasan ay may tatak ng marangal na Pangalan sa kani-kanilang mga noo, AMA at ANAK (Apocalipsis 14:1). Ang Espiritu ng Dios ang nagtatak nito. Saang dako? Ano ang pangalan ng kulungan (iglesia ) na pinagtitipunan ng mga tupa ng Dios? Iglesia ng Dios AMA at sa Panginoong Jesucristo (I-II Tesalonica 1:1). Ang AMA ang pangunahing May-ari. Ang pangalawang may karapatan at itinalagang Pangulo sa iglesia ay ang Panginoong Jesucristo.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento